University of Philippines Manila

Mula kay Tsanselor (UPM Healthscape No. 28)

Naipakitang muli ng ating komunidad ang tibay ng loob, malinaw na pag-iisip, at maagap na pagkilos nang magkaroon ng sunog sa ikatlong palapag ng Central Block ng Philippine General Hospital nuong nakaraang buwan. Nagbunga ng kabutihan ang mga pagsasanay at paghahanda natin sa mga kalamidad na tulad nito. Maayos na nailikas ang mga pasyente, pati mga nasa Intensive Care Units at bagong silang na mga sanggol! Nagtulong-tulong ang lahat—mga doktor at narses, pasyente at bantay, security guards, lahat ng kawani, at mga bombero ng  Bureau of Fire Protection—kung kaya’t lahat ay naging ligtas at walang naapektuhan ng usok o apoy. Pati mga may COVID at wala na pasyente ay nagawang paghiwalayin na nagpapatunay kung gaano kahusay naisaayos ang paglikas.

Malubhang sakuna ang sunog at mahahalagang kagamitan ng ospital ang natupok, ngunit hindi tayo pinabayaan; bagkus ay naramdaman natin ang matinding pagkalinga ng ating mga kasama at kababayan nang dumagsa ang napakarami at iba’t-ibang uri ng tulong. Hanggang ngayon ay patuloy ang pagdating ng mga donasyon, ang iba ay galing pa sa ibang bansa. 

Bumaling naman tayo sa masasayang mga pangyayari sa UP Manila tulad ng parangal na natamo ni Dr. Yolanda Robles na dating dekana ng UP College of Pharmacy. Nawa maging inspirasyon siya sa iba pang mga guro pati na sa mga mag-aaral.

Dalawang libo namang mga University at College Scholars ang pinuri sa isang kapulungan. Napakaraming pagbabago sa pag-aaral at pagtuturo ngunit naipakita nila ang kakaibang galing at dedikasyon nitong panahon ng pandemya.

Patuloy ang College of Public Health sa pagtugon sa hamon ng tuberculosis  sa pamamagitan ng pagtatatag ng “TB Academy” kasama ang iba pang mga ahensya; habang ang College of Nursing naman ay nagdiwang ng  International Nurses Day sa pamamagitan ng pagtatanghal ng isang webinar na tumalakay ng mga hamon at direksyon ng Public Health Nursing sa Western Pacific Region.

Nakikisalamuha rin ang UP Manila sa Quincentennial Commemoration kung saan may limang webinar ang isasagawa, nanguna na rito ang tungkol sa “Filipino Concept of Health.”

Napakaraming balakid na ang nalagpasan natin at napagtibay ng mga ito ang ating pamilya upang mapagtagumpayan ang nakaraang sunog. Kahit naririto pa rin ang pandemya, walang patid ang ating pag-usad tungo sa mas makabuluhang UP Manila! Nagpapasalamat tayo sa Maykapal sa Kanyang  proteksyon, patnubay, at tanglaw habang pinagbubuti pa natin ang pagtuturo, panggagamot, at pagsisilbi sa ating kapwa.

CARMENCITA D. PADILLA, MD, MAHPS
Tsanselor

Featured in the UP Manila Healthscape (Special COVID-19 Issue No. 28, 30 June 2021)