University of Philippines Manila

Mensahe mula sa Direktor ng PGH

30 April 2020

Isang buwan na po ang lumipas nang buksan natin ang ating Covid Wards. Dalawang daan at dalawampu’t tatlong (223) pasyenteng positibo sa COVID-19 ang ating naserbisyuhan, at 142 na ang napaigi natin. Animnapu’t isa (61) sa kanila ay nasa kanilang mga bahay na, at ang iba ay naghihintay na lamang ng negatibong swab test bago umuwi. Inaasahan din natin na sa pagbubukas ng mga Quarantine Centers ay maililipat ang marami sa mga naghihintay lamang ng resulta ng mga swab tests upang makatanggap tayo ng mga susunod pang pasyente. May mga ilan ding kritikal ang kondisyon na naisalba na, at ating ipagdiwang ang mga tagumpay na ito.

Sa ngayon ang Team C ang nasa COVID wards at kakatapos lang ng Team B sa kanilang pangalawang tour of duty. Nakasalamuha ko sila at nakuha ang kanilang pananaw sa ating bagong responsibilidad na ito. Tulad ng ibang bagay sa buhay, ang anumang bago ay kailangan nating pagsanayan upang mapagbuti ito sa kalaunan. Maraming pagbabago sa sistema ang galing mismo sa mungkahi ng ating mga nurse, NA, manong at doktor. Atin pong didinggin ang lahat ng ito upang higit pang mas maging ligtas ang sitwasyon para sa ating health workers at pasyente.

Nais din po naming iparating ang isang paalala mula sa HICU ukol sa pagkakahawa ng ating mga kawani. Sa huling ulat nila: sa mahigit 900 na katao na nagrerelyebo sa 3 shifts sa wards, 44 na ang nagpositibo sa COVID-19. Labing anim (16) sa kanila ang direktang nagtrabaho sa COVID wards. 

Para sa natitirang 28, batay sa “contact-tracing” ay malamang na sa ibang lugar nila nakuha ang sakit, pagpapatunay na dapat lagi tayong mapag-matiyag sa peligrong ito saan man tayo naroroon. Inuulit natin ang paalala ukol sa mga paraan upang maiwasan ang hawahan sa bahay, dormitory, lugar ng kainan o sa opisina. Sa kabutihang palad, halos lahat naman ng empleyadong nag-positibo ay mahusay ang kalagayan. Ang kaisa-isang malubha ang kondisyon ay nakabawi na rin at malapit nang umuwi.

Nalalathala sa pahayagan at social media ang ating mga ginagawa sa PGH at marami po ang nagtatanong sa akin kung paano natin nagawa ang mga ito. Ang sagot ko po ay bunsod ito sa likas na katapatan ninyo na makapagbigay ng pinakamabuting pangangalaga sa ating mga pasyente at sa walang humpay na paghahanap ng paraan upang lalo pang mapaghusay ito.

Habang ating isinasaayos ang takbo ng mga proseso sa COVID wards, uumpisahan na rin natin ang pagtatalakay ng dahan-dahang pagbabalik ng mga iba pang serbisyo sa PGH. Mangangailangan ito ng masusing pagaaral at ng pagbabago ng mga paraan ng pag-iisip o mindset at mga nakasanayang kaugalian. Kailangan nating tanggapin na magiiba ang takbo ng mga sistema sa PGH bilang tugon sa kakaibang hamon ng COVID. Mas kinakailangan nating magkaisa.

Iisang adhikain. Iisang bangka. Patnubayan nawa tayo ng Maykapal.

DR. GERARDO D. LEGASPI  |  Published in Healthscape Special COVID-19 Issue No. 3