
Binabati ko si Director Gap at kasama ng kanyang teams sa walang tigil sa pagsisilbi sa sa mamamayan at sa pag aalaga sa kanyang doctor, nurses, estudyante at kawani.
Binabati ko ang mga kawani ng PGH na matagal nang nagsisilbi, at gayun din ang mga retirado, mga kasabayan kong nagsilbi sa PGH.
Maraming maraming Salamat. Birtwal man ang ating selebrasyon, hindi nababawasan ang mainit naming pagpupugay sa inyo.
Ang ating panauhing pandangal, ay ang ama ng Universidad ng Pilipinas, kasama natin, nitong isa’t kalahating taon sa pagharap sa mga hamon ng COVID-19 pandemic.
Lingid sa ka-alaman ng karamihan, si Pangulong Concepcion, kung tawagin ng iba, President Danicon or PDLC, ay hindi natinag sa mga hamon.
Napakadaming kwento – pero hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang kwento.
Alam ba ninyo, na ang ideya sa pagkakaroon ng UP-PGH Bayanihan Na! Covid 19 Operations Center (BNOC or call center) ay galing kay Pangulong Concepcion? Ito ay upang gawing sistematiko -ang komunikasyon sa mga donasyon para sa PGH. Maagang nag-viral ang matinding pangangailangan ng PGH. Karamihan sa donors ay totoo pero meron ding fake…nagpapanggap na taga PGH. Maraming beses na tinetex niya ako para-ikumpirma na merong doctor na huminingi ng electric fan at marami pang iba.
Kaya noong Marso 17, 4pm, pumunta siya dito sa PGH para pag-usapan ito. Pinag-kasunduan namin na ang PGH Medical Foundation ang opisyal na tatanggap ng perang donasyon. Noong gabi ring iyon, tinawagan niya ako at sabayan ko na din daw ang pagtanggap at pagsagot sa mga tanong na pangkalusugan. Tinawagan niya ang pinuno ng PLDT, si Mr. Manny Pangilinan, kaya po tayo nabigyan ng hotline no 155-200 at 20 linya ng telepono. Natural po, hindi naman pwedeng telepono lang, siya ay nagbigay ng 20 computer sets. Siyempre, kailangan din ng upuan….isang tawag lang niya sa kanyang mga kaibigan, mayroon pong grasyang dumadating.
Anim na buwan lang talaga ang usapan namin ng PLDT na libre – may bayad po yon talaga. Pero hanggang ngayon ay libre pa din at ang biro ko sa PLDT, eh sana habang buhay.
Nagbago na ang call center natin – gamit na din ng OCRA – Online Consultation Request and Appointment System. Wala nang pila sa labas ng OPD, bawal ang pila….ngayon dapat tumawag sa 155-200. Maraming Salamat Pangulong Concepcion sa 155-200!
Dumako naman tayo sa NIH. Paano daw siya makakatulong. Iba naman ang kailangan doon. PCR machines, RNA extraction kits, reagents at iba pa. Pinondohan din niya ang UP TRAINS program kung saan ang NIH, kasama ng PGC, ay nagsasagawa ng training para sa mga nagtatayo ng COVID testing laboratories. Sinagot ng UP ang hands-on training kasama ang pagkain at accommodations ng trainees at trainors. Ang training ay ginawa sa PGC at NIMBB sa Diliman, PGC Visayas at PGC Mindanao. Yes, tama ang narinig ninyo – 3 ang UP PGC. Nadinig din natin na binigyan ng 270M ng gobyerno ang PGC Visayas at Mindano para maitaas ang antas ng mga karagdagang kagamitan. Bago mag-lock down, ang huling biyahe ko kasama si NIH Executive Director Eva Cutiongco-de la Paz ay sa UP Mindanao para sa orientation ng pagbubukas ng PGC Mindanao.
Pumunta naman tayo sa Diliman.
Ayon kay Chancellor Fidel Nemenzo, si Pangulong Concepcion, bilang nakatira sa Diliman, ay kabahagi sa mga inisyatibo laban sa Covid. Pina-ngunahan niya ang ugnayan ng UP sa Philippine Red Cross at pamahalaan ng Quezon City upang mabuo ang Hope 7, Kamia isolation facility para sa mga pasyenteng may Covid. Buong suporta din ang ibinigay niya sa UP Health Service, kasama na ang pagbibigay ng bagong ambulansiya at pagkakaroon ng UPD Bakunahan, na isang lugar ng pagbabakuna. Pinabilis din niya ang pagkakaroon ng mga high performance computational equipment para sa maraming aplikasyong pang-agham, kasama ang pagmomodelo ng pagkalat ng pandemya at iba pang pag-aaral sa bio-informatics. Pinadali niya ang donasyon ng karagdang PCR machines na ginagamit ng PCG para sa RT PCR testing.
Malinaw sa akin – kailangan lang humingi at tiyak na gagawan niya ng paraan. Magtatawag siya ng kanyang mga kaibigan. Isang malaking pasasalamat din as alumni ng College of Law. Ang bilis mag respond.
Pumunta tayo sa mandatong pang-akademiko. Lahat na yatang paraan para matuloy ang semester at taon, sinubukan, pinag-usapan at binigyan niya ng pansin. Naalala ko yung isang meeting ng mga Tsanselor, telebisyon at radyo ang alternatibo niyang binigay sa amin. Hindi pwedeng magsara ang UP. Hindi pwedeng tumigil ang pagsisilbi.
Ayon kay Chancellor Mel Bandalaria ng UP Open University….
Bilang “hands-on President”, siya ay “Virtually Visible” at “digitally connected” sa kabila ng mga paghihigpit sa paggalaw na dulot ng pandemya. Napag-tagumpayan niya ang digital space at nagamit niya ang mga kakayanan ng digital technology upang lagi siyang makadalo sa mga pangyayari sa unibersidad at kaganapang pagtatalumpati na hindi mangyayari kung ibang panahon. Kaya pwede natin siyang tawaging UP’s Cyber President bilang paglalarawan din, sa kanyang bisyon para sa UP sa new normal.
Ang sabi nga mga ibang Tsanselor ng UP – walo po kaming anak niya – UP Baguio, UP Diliman, UP Los Banos, UP Manila, UP Cebu, UP Visayas, UP Mindanao at UP Open University–
‘Nakatuon si PDLC sa pagbibigay inspirasyon, sa mga akademinkong lider na maging ma-alaga, mapag-malasakit, at bilin niya, isangkot ang mga LGUs at ibang stakeholders sa pagkakaroon ng mga vaccination hubs para sa mga nasa-sakupan at karatig na lugar.
Sa panahon ng malubhang krisis na ito, nangangailangan ang bansa at ang ating komunidad, ng isang lider na may kakaibang kakayanan, at matinding dedikasyon, upang maging pinuno at gabay.
Tulad ng isang ama, si Pangulong Concepcion ay naging matibay na haligi ng napakaraming gawain ng unibersidad; nagbibigay ng kritikal na tulong sa napaka-raming paraan; at higit sa lahat, mapagmahal na inaalagaan, di lamang mga kasapi sa pamilyang UP, kundi pati iba pang mamamayan.
At dahil sa kanya, may tapang at lakas tayong magpatuloy harapin ang matinding balakid ng COVID at iba pang krisis sa hinaharap.
Patuloy nawa tayong mapukaw at mahikayat ng kanyang marubdob na pamumuno, upang buong giting at husay nating, magampanan ang pagiging mabuting Pilipino, at ang pagiging responsableng miyembro, ng ating komunidad sa UP.
Mga kapwa manggagawa, narito ang ating pangulo sa Unibersidad ng Pilipinas, UP’s Cyber President, Pangulong Danilo Concepcion.