University of Philippines Manila

Alay sa mga Frontliners

Sa grabeng pandemyang kinakaharap ng bansa
Ating bigyang pugay frontliners na nagkukusa
Libu-libong manggagamot, lab personnel, at narses 
‘Di alintana ang panganib ng COVID-19 illnesses. 

Dahil nakakahawa ang sakit na COVID-19
Alam nilang ang panganib ay tiyak at malalim
Kahit pa may pananggalang na puwedeng gamitin
Mga Personal Protective Equipment na mahirap suotin.

Subalit ‘di alinta buhay nilang nanganganib
Nanguguna ang pagnanasa at dedikasyon sa dibdib
Taos-pusong serbisyo ang inihahatid
Kahit pa buhay nila ang maibuwis.

Kasama dito ang lahat ng nagtatrabaho 
Sa mga pagamutan, klinika at laboratoryo
Silang nagsusuri kung may COVID-19 mismo
Lahat din ng mga kawaning nag-aasikaso.

‘Di man kayang maisaisa ang ginagampanan 
O ‘di man kayang masukat ang kahalagahan
Paano nga ba natin sila papahalagahan?
Para sa kanilang tulong sa ating lipunan.

Marami tayong maaring magawa para sa kanila
Suplay ng PPE’s ay tuloy-tuloy naman sana
‘Yung may kalidad at protektado kapag ginamit na
Hindi na sana nila hihingin bagkus ay handa na.

Nararapat ding sila’y dagdagan ng sweldo
Para maramdaman nila na may pagbabago
Dahil talaga namang sila ay nagsasakripisyo
Marapat lamang na sila’y mabigyan ng kunswelo.

Marami pang ibang pupuwedeng gawin
Mga units para lisensya sa PRC ay ma-renew din
Mga overtime at leave with pay nila ay karakang ayusin
Iba pang benepisyong dapat ibigay ng gobyerno natin

Bilang pagpupugay sa kanilang nangunguna
Malaking tulong kung ipagdarasal sila
Isang alay sa kanila na walang makakakuha
Kundi ang Diyos na magbibigay gantimpala sa nagawa nila.

Prof. Josephine D. Agapito, CAS
Published in Healthscape Special COVID-19 Issue No. 8