University of Philippines Manila

Conti: ‘Maging Bahagi ng Rebolusyon’

Panulat ni Ehcel S. Hurna
Mga larawan nina Ehcel S. Hurna at Jaira C. Purificacion

Nagsagawa ng iglap-protesta ang mga magsisipagtapos sa Kolehiyo ng Agham at Sining upang irehistro ang kanilang mga panawagan.

Sa temang, “Iskolar ng Bayan: Maglilingkod nang Buong Puso, Husay, at Dangal para sa Mapagtaguyodna Pag-unlad,” umakyat sa entablado ang 463 mag-aaral sa ika-43 Araw ng Pagkilala ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila Kolehiyo ng Agham at Sining noong Hulyo 31, 2026 sa University Theater, UP Diliman.

Tamang tao, tamang panahon, tamang paraan

Inugat ni Atty. Maria Kristina Conti, Panauhing Pandangal ng Programa, na ang kahirapan sa paghahanap ng trabaho ay dulot ng pagiging isang mala-kolonyal at mala-pyudal na bansa ng Pilipinas. Aniya, sa hirap ng buhay, mahalaga ang makatagpo ng tamang tao sa tamang panahon at tamang paraan. 

“Iba-iba man tayo, lagi nating isipin na sa pag-eskima ng tao, alamin natin kung saan sila nanggaling, kilatisin nang maayos ang background nila upang malaman kung tamang tao na ba ang kaharap natin. Kailangang masusi ang pagsiyasat sa pangkalahatang sitwasyon,” pagpapalawig ni Atty. Conti.

Si Atty. Conti ang kasalukuyang Secretary General ng National Union of People’s Lawyers at siya ring tumatayong Assistant to Counsel para sa International Criminal Court

Ikinawing din niya na kasabay ng paghahanap ng tamang tao ay ang kahalagahan ng paghahangad ng pagbabago para sa lipunang Pilipino. “Every revolution begins with a single act of defiance. Lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa isang pagbalikwas, pagtakwil, pagtanggi sa nakagisnan o sa namamayani – sa practice ng walang katarungan,” dagdag nito.

Nagbigay ng bukas na paanyaya si Atty. Conti sa mga tagapakinig na maging bahagi ng anumang rebolusyon para sa ikabubuti at ikapapanatag ng bawat Pilipino. “Sa mas malaking lipunan na ginagalawan natin, importante ang tamang tao, tamang panahon, tamang paraan. Ang hamon sa atin ngayon ay hindi ang hintayin ito kundi kumilos para mangyari ‘yan,” aniya. 

“Sa alaala ni Kristel Tejada, Josephine Anne Lapira, at marami pang ibang hindi na natin kapiling, ilaban natin ang malaya, mapagpalaya, at totoong mapagpalayang bukas,” saad pa niya.

Pagkamulat sa reyalidad

Laman ng talumpati ni Bryle Derrick Ong, Kinatawan ng mga magsisipagtapos na nagmula sa Batsilyer sa Arte ng Agham Pampulitika, ang kanyang buhay na kinagisnan mula pagpasok sa pamantasan at ang paglalakbay hanggang sa makalabas dito.

“Sa nakita, narinig, at naramdaman ko sa lansangan, nasagot ko ang aking katanungan. May lumalaban kasi may dapat ipaglaban,” saad ni Ong.

Si Bryle Ong ang nakakuha ng pinakamataas na grado para sa Class of 2026 ng UP Manila.

Aniya, dahil sa kanyang mga nasaksihan na nagaganap sa lipunan, napagtanto niya ang importansya ng pakikialam. 

“Ang pag-aaral ko ng pulitika ay biglang nagkaroon ng saysay. Sa pakikialam ko, natuklasan ko ang mga aral na tanging ang masa lamang ang makapagtuturo sa akin. Doon, itinuro sa akin na dapat ako’y hindi lamang nag-aaral para sa pansariling tagumpay, bagkus dapat ako’y nag-aaral upang pandayin ang makatarungang lipunan,” aniya.

Ngayong taon, nagmula sa Kolehiyo ng Agham at Sining ang labindalawang Summa Cum Laude na nagkamit ng pinakamatataas na grado sa UP Manila. Bukod kay Bryle Derick Ong ay pinarangalan din sina Lorraine Rose Buan (Batsilyer sa Arte ng Araling Pangkaunlaran), Marco Eraño Dumale (Batsilyer sa Arte ng Araling Pangkaunlaran), Jovencio Alexander Evangelista (Batsilyer sa Arte ng Sining ng Pilipinas), Kenjie Fortaleza (Batsilyer sa Arte ng Agham Pampulitika), Sofia Antoninna Magsino (Batsilyer sa Arte ng Araling Pangkaunlaran), Nicole Angel De Vera (Batsilyer sa Arte ng Araling Pangkaunlaran), Arvie Marie Pascual (Batsilyer sa Arte ng Agham Dalub-Asal), Carmela Maria Dioko (Batsilyer sa Arte ng Araling Pangkaunlaran), Brian Joshua Salvacion (Batsilyer sa Arte ng Komunikasyong Pang-organisasyon), Jemrick Giuseppe Pagulayan (Batsilyer sa Arte ng Agham Pampulitika), at Benedict Ballaran (Batsilyer sa Arte ng Agham Pampulitika). 

Magbasa pa: