University of Philippines Manila

Paggamit ng Wikang Filipino at AI, Binigyang-Diin sa Pagbubukas ng Buwan ng Wika 2026 sa College of Nursing

Text and Photos by Jericho Paolo L. Mabansag

Nakiisa ang mga opisyal ng pamantasan at kolehiyo sa mga mag-aaral ng College of Nursing sa ginanap na pagtataas ng watawat at paglulunsad ng Buwan ng Wika 2026, na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Sa gitna ng mabilis na pagtanggap at paggamit ng mga Pilipino sa Artificial Intelligence o AI, opisyal na inilunsad ng Office of International Linkages (OIL) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026 noong Lunes, Agosto 17, 2026, sa College of Nursing Auditorium.

Nakatutok ang pagdiriwang ngayong taon sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” na naglalayong suriin ang mahalagang papel ng pambansang wika sa panahon ng Artificial Intelligence (AI) at sa makabagong pananaliksik.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Vice Chancellor for Academic Affairs Dr. Bernadette Heizel M. Reyes na hindi dapat pangambahan ang pag-usbong ng AI sa larangan ng akademya at iba’t ibang propesyon.

“Huwag nating isuko ang ating propesyon sa AI,” pahayag ni Dr. Reyes. Binigyang-linaw niya na dapat yakapin ang AI bilang isang mabisang kasangkapan sa hinaharap, habang kinikilalang hindi nito kayang palitan ang mga healthcare workers lalo na ang mga nurses; bagkus ay magsisilbi lamang itong gabay at tulong kung gagamitin nang may wastong disiplina at pag-iingat.

Dinaluhan ng mga mag-aaral sa ikatlong taon ng College of Nursing ang ginanap na pagtataas ng watawat at paglulunsad ng Buwan ng Wika 2026 sa UPCN Auditorium.

Pinalawak pa ni Dr. Valeria P. Tiempo-Guinto, Direktor ng Opisina ng Ugnayang Pang-Alumni, ang talakayan sa pamamagitan ng paghikayat sa mga mag-aaral na gamitin ang mga makabagong teknolohiyang mayroon sila ngayon.

Kabilang dito ang Philippine Journal of Health Research and Development (PJHRD) na madali nang naa-access online.

“Pag-igihin na maikalat ang impormasyong nakalap natin sa pag-aaral,” giit ni Dr. Tiempo-Guinto.

Ipinakita sa naturang pagtitipon kung paano magiging tulay ang wikang Filipino upang gawing mas madaling maunawaan at maabot ng publiko ang mga kumplikadong impormasyon at pananaliksik gamit ang mga makabagong platform at sa tulong ng AI.

#UniversityofthePhilippines #UP #UPManila #UPM #FP1 #FP6 #FP8 #AccessibleUPLeadership

Read more: