Matagumpay na isinagawa ng UP Manila Sentro ng Wikang Filipino ang Baybayin Workshop na pinamagatang, “Ating Baybayin ang Baybayin” noong ika-5 ng Setyembre 2023 sa NTTCHP Auditorium na dinaluhan ng iba’t ibang mag-aaral ng UP Manila.
Sa pandayan, muling binalikan at binigyang pagpapahalaga ang sinaunang sistema ng pagsulat ng mga katutubo bago pa man ipinakilala sa atin ng mga mananakop ang kanilang sistema ng pagsulat. Pinangunahan ito ni Rev. Jose Jaime ‘Jay’ Enage, ang founder ng Baybayin Buhayin Inc.
Ang Baybayin ay pinaniniwalaang isa sa 16 na unang iba’t-ibang sistema ng pagsulat sa Pilipinas bago ang kolonisasyon. Sinasabing ginamit ito nang malawakan ng mga grupong tulad ng Tagalog, Bisaya, Iloko, Pangasinan, Bikol, at Pampanga noong ika-16 na siglo.
Sa paglipas ng panahon, nararapat lamang nating balikan, bigyang halaga, at itaguyod ang isa sa mga bumubuo ng ating pagkakakilanlan at kultura—ang Baybayin.
(Hango sa Sentro ng Wikang Filipino – UP Manila FB)