Text by Rozheanne C. Hilario
Photo by Arjay Vergara

Sa kasalukuyang mundong artipisyal, ramdam ang pangangailangang maghanap ng natitirang likas na yaman.
Kung ang wikang Filipino ay ituturing na likas na yamang kultural at panlipunan, isa itong anyong nanganganib sa artipisyalisasyon. Upang gumawa ng mga hakbang para labanan ito, dapat patuloy itong paunlarin sa pamamagitan ng paggamit, paglinang, pagrebisa, at pagpapauswag dito.
Ang mga usapin tungkol sa pagpapalawak ng semiconductor at AI infrastructure, kabilang ang mga isyung kaugnay ng Pax Silica, ay dapat suriin hindi lamang bilang mga usaping ekonomikal at teknolohikal kundi bilang mga usaping panlipunan, pangkultura, at pangkapaligiran din.
Napakahalaga pa rin ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wikang Filipino lalo sa taglay nitong ortograpiya, leksikon, hanggang sa gamit nito sa panitikan at pananaliksik sa malalalim na diskurso sa kabila ng mabilis na nagbabago at mapagpabagong teknolohiya. Tulad ng likas na yaman na kailangang pangalagaan upang hindi tuluyang maubos o mawala, kailangang patuloy na gamitin at linangin ang Filipino upang manatiling buhay at makabuluhan sa mga susunod na salinlahi.
Sa gitna ng pangangailangang ito, lumalaganap ang iba’t ibang generative artificial intelligence (AI) tools na nagbibigay sa mga Pilipino ng madaliang akses sa pagsasalin, pagwawasto ng gramatika, pagbuo ng mga konsepto, at iba pang gawaing nangangailangan ng sarili at orihinal na kaalaman at idea sa wika. Lantad mang kapaki-pakinabang ang AI sa ganitong konteksto bilang kasangkapan sa komunikasyon, nagdudulot ito ng posibilidad na maging lubos na nakaasa na sa teknolohiyang ito ang mga Pilipinong nagsusulat at nag-iisip sa Filipino sa halip na mapagyaman pa ang kanilang kaalaman sa wika.
Sa ganitong paraan, maaaring maipagpalagay na mula sa pagiging likas na tagapagsalita o natural speakers ay unti-unti tayong nagiging artipisyal na tagapagsalita o artificial speakers ng sarili nating wika. Samakatuwid, tayo ay nakalilikha lamang ng wastong diwa sa wikang Filipino kapag itinakda ito ng makina. Dagdag pa rito, hindi na natin lubos na nauunawaan ang mga tuntuning gumagabay rito.
Ang hamon, kung gayon, ay hindi lamang kung gaano kahusay gamitin ng AI ang Filipino, kundi kung mapananatili ng mga Pilipino ang kakayahang gamitin ang kanilang sariling wika nang hindi umaasa sa AI.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bilang nangungunang institusyon na mayroong tungkuling paunlarin at protektahan ang wikang Filipino, ay kinakailangang maging kritikal sa ano mang nagiging epekto ng AI rito at sa lalong lumalaganap na papel nito sa edukasyon at malikhaing produksiyon. Ang mga inisyatiba tulad ng paggamit ng AI sa mga gawaing pangwika at malikhaing kompetisyon ay patunay na ang teknolohiya ay maaari nang maging bahagi ng mismong proseso ng paglikha at paggamit ng Filipino. Gayunpaman, hindi nito nililinaw ang limitasyon ng impluwensiya ng AI sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino.
Kailangang suriin kung ang ganitong paraan ng paggamit ng AI ay nagsisilbing kasangkapan lamang sa pagpapaunlad ng kakayahang pangwika o unti-unting nagiging kapalit nito. Dapat din natin tanungin sa ating sarili at sa lipunan kung ano ang tunay na suliranin na nais solusyonan ng hakbang na ito at kung gaano nakababahala at agaran ang pangangailangan para sa interbensiyon ng AI.
Marahil ay sa halip na ituring lamang ang AI bilang bagong paraan upang makalikha ng Filipino, mahalagang gamitin din ang teknolohiya bilang pagkakataon upang higit na maituro, mapahalagahan, at mapanatili ang sariling kakayahan ng mga Pilipino sa paggamit ng wika.
Dagdag pa sa usaping ito, wala mang pisikal na katawan ang AI, ang operasyon nito ay nakasalalay sa mga data center, enerhiya, tubig, semiconductor, mineral, at iba pang materyal na imprastraktura. Ang mabilis na paglawak ng AI at digital technologies ay may malubhang mga pisikal na epekto sa kalikasan at sa mga pamayanang pinagkukunan ng mga materyal na sangkap panteknolohiya.
Nagiging mahalagang tanong ang relasyon sa pagitan ng artipisyal na yamang nalilikha ng teknolohiya at ng likas na yamang kinakailangan upang mapanatili ito.
“Ang paggamit ng AI sa pagbuo ng mga idea sa wikang Filipino ay katumbas ng pagnanakaw ng likas na yaman na dapat ay pinananatiling buhay at mayabong. Ang pisikal na epekto ng AI sa pisikal na mundo ay patunay na hindi lamang mga aspektong pangkarunungan ang naruungisan ng AI, kundi maging ang kalikasan at kapaligiran.”
Nararapat na maisama sa panawagan ng masa ang pagtatanggol sa likas na yaman ng Pilipinas lalo na iyong pagmamay-ari ng mga magsasaka at katutubo. Kasabay ng wika at kultura, ang kanilang mga lupain ay nanganganib na masira at mawala dahil sa mabilis na pagtanggap ng gobyerno sa Pax Silica.
Ang Filipino ay maaaring magsilbing mahalagang wika para sa pagtalakay, pagsusuri, at pagtutol sa mga epekto ng AI at ng mga imprastrakturang kinakailangan nito. Ang pagpapanatili ng kakayahang mag-isip, magsalita, at magsulat sa Filipino nang hindi ganap na umaasa sa AI ay isang paraan ng pagpapanatili ng sariling ahensiya sa panahon ng mabilis na teknolohikal na pagbabago.
Higit pa rito, ang paggamit ng Filipino upang pangalanan at talakayin ang mga epekto ng AI sa kalikasan ay nagbibigay sa wika ng isang bagong papel bilang instrumento ng kamalayan at pakikilahok ng mamamayan.
Sa panahon ng AI, ang pagtatanggol sa Filipino ay hindi lamang nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang wika, kundi ng pagpapanatili ng kakayahan ng mga Pilipino na mag-isip, magsalita, magtanong, at tumutol sa harap ng mga pagbabagong nakaaapekto sa kanilang lipunan at likas na kapaligiran.
Sa ganitong diwa, ang panawagan na “Reject Pax Silica” ay maaari ding basahin bilang panawagan na huwag hayaang maging artipisyal ang ating wika, ang ating pag-iisip, at ang ating pagtugon sa mga tunay na epekto ng teknolohikal na kaunlaran.
BIONOTE:
Si Rozheanne Hilario ay Katuwang na Propesor sa Departamento ng Arte at Komunikasyon. Ang tuon ng kanyang pagtuturo at pananaliksik ay Sining ng Pilipinas at mga kursong GE na nakasentro sa wikang Filipino tulad ng Wika 1, Komunikasyon I, at Komunikasyon II. Liban pa sa gawaing akademiko, siya rin ay tagapagsalin para sa Sentro ng Wikang Filipino UP Manila.
#FP1 #FP6 #Environmentthatnurturesmindandbody