University of Philippines Manila

Mga Iskolar ng Bayan Para sa Makatao at Maunlad na Kinabukasan: 405 Nagsipagtapos mula sa KAS

Texts by Ehcel S. Hurna

Nag-selfie sa entablado ang ilan sa mga nagsipagtapos sa UP Manila – KAS bitbit ang kanilang ngiti pagkatapos ng programa.

Buong galak na pinagpugayan ng Unibersidad ng Pilipinas Manila (UPM) Kolehiyo ng Agham at Sining (CAS) ang mga nagsipagtapos at mga natatanging mag-aaral ng Batch 2024 na may temang, “Iskolar ng Bayan: Kaagapay sa Isang Makatao at Maunlad na Kinabukasan.”

Nakapagtala ng 19 na Summa Cum Laude, 179 Magna Cum Laude, at 107 Cum Laude ang kolehiyo sa 405 na mga nagsipagtapos.

Bilang Panauhing Pandangal, nagbigay ng paalala si Deo Florence Onda, isang microbial oceanographer, tungkol sa kahalagahan ng pananatiling nakatapak ang paa sa lupa at ang palagiang pagpili sa interes ng sambayanan malayo man ang marating ng mga magsisipagtapos ngayong taon.

“Hindi lisensya ang UP diploma para mangmaliit ng iba kundi oportunidad ito upang makatulong sa kapwa. Sana matuto kayo mula sa pagiging ‘ako’ ay maging ‘tayo;’ Mula sa ‘akin,’ maging ‘atin;’ Mula ‘mga iskolar ng bayan,’ maging ‘iskolar para sa bayan.’”

Nagbigay ng talumpati si Seijiro Ogata, mula sa BA Behavioral Sciences, bilang Batch Valedictorian ng mga nagsipagtapos sa UPM CAS.

Sa kabilang bahagi ng programa, nagbigay din ng mensahe ang Batch Valedictorian ng Kolehiyo na si Seijiro Ogata. Binanggit niya sa kaniyang talumpati ang kaakibat na responsibilidad ng pagiging isang iskolar ng bayan.

“Ang pinakamatinding hamon na bitbit natin sa buong pamamalagi sa Unibersidad ng Pilipinas ay kung paano natin papanindigan ang pagiging isang iskolar ng bayan pagka’t bitbit ng ngalan na ito ang ating responsibilidad, hindi lamang sa ating grado at mga marka, kung hindi pati na rin sa bayan – sa bayan na siyang nagpaaral sa atin, sa bayan na dapat sentro ng ating pagkadalubhasa, sa bayan na patuloy na sinasakdal ng mga mapang-aping mga sistema at naghaharing-uri na iilan.” #