Text by Martin Racza
Photos by Joseph Bautista

Si Dr. J. Prospero E. De Vera III, Tagapangulo ng mga Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon, ay nagpaalala ng kahalagahan ng UP sa bayan.
“Nanay, Tatay…Mama, Papa…Congratulations, May UP Graduate Na Po Kayo!”

Ito ang taos-pusong pangwakas na sinambit ni Dr. Bernadette Heizel Manapat-Reyes, Bise Tsanselor para sa Gawaing Akademiko ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila, na sumalamin sa emosyon ng 1,350 na graduweyt at ng kanilang mga pamilya noong ika-115 Araw ng Pagtatapos na ginanap noong Hulyo 26, 2024, sa Philippine International Convention Center.
Ang seremonya, na may temang “Iskolar Ng Bayan: Marangal, Mahusay, Makabayang Tagapagtaguyod ng Pangkalahatang Kalusugan,” ay dinaluhan ng mga pinakamatataas na opisyal ng UP system, ng UP Manila, mga faculty, at ng iba pang mga panauhin.
Nagsilbing Pangunahing Tagapagsalita si Dr. J. Prospero E. De Vera III, Tagapangulo ng mga Rehente ng UP at ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon. Sa kaniyang talumpati, ipinaalala niya ang tungkulin ng UP sa bansa. “UP must be a university of the people and a university of the people.”

Dagdag ni Sec. De Vera III, ang UP ay inaasahang maging lider sa larangan ng edukasyon, at kaniya ding hinimok ang mga nagsipagtapos: “I ask each and every one of you to embrace a future of service and to take a leadership role in our nation.”

Sa kaniya namang mensahe, pinaalalahanan ni Seijiro B. Ogata, isa sa mga summa cum laude ng Batch 2024, ang kaniyang mga kapuwa nagsipagtapos: “Huwag nating ilagay sa pedestal ang ating mga sarili. Ga-graduate man tayo ng UP pero hindi tayo mga tagapagligtas at diyos ng bayang ito. Bumaba tayo sa ating mga ‘ivory towers’ at tunay na lumubog sa masa. Hindi natin kailangan na maging mga boses nila, sapagkat mayroon silang sariling boses. Ang maaari nating gawin ay tulungan silang marinig ang kanilang mga hinaing.”

Nakapagtala ang UP Manila ng 20 summa cum laude, 305 magna cum laude, at 383 na cum laude para sa taong ito.



