Texts by Ehcel S. Hurna
Photos by Joseph A. Bautista
Ang panauhing tagapanayam at mga reaktor ng programa kasama sina Prop. Carol Pulumbarit at CAS Dean Maria Constancia Obrero-Castillo. (kaliwa-kanan: Dir. Pulumbarit, Dir. Mendoza, Dr. Turalde, Prop. Ong, Dr. Isip-Tan, at Dean Carrillo)
Bilang pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ginunita ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila and ika-35 anibersaryo ng pagkakalunsad ng UP Palisi sa Wika. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay, “Sulong: Wikang Filipino sa Malaya at Mapagpalayang Akademya at Bayan.” Ang programa na naganap noong Agosto 27, 2024 sa UP Manila Theater Kolehiyo ng Agham at Sining (CAS) ay pinangunahan ng UP Manila Sentro ng Wikang Filipino (SWF) at ng panauhing tagapanayam na si Dir. Jayson D. Petras, UP Diliman SWF.
“Sinabi sa pahayag ni Prop. Jose V. Abueva na inaasahang ang Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas ay siya ring magiging puso sa Palisi sa Wika ng buong bansa. Ang pambansang wikang Filipino ay tunay ngang magiging representatibo ng lahat ng wika sa Pilipinas sapagkat lahat ng wika ay tumulong upang ang ilang wikang ito ay mapaunlad at mapalaganap. Ito na ang napakagandang simula ng isang kasaysayang maka-FIlipino at para sa Filipino,” pagbabahagi ni Prop. Petras.
Tinalakay ni Prop. Petras sa kaniyang panayam ang komprehensibong pagsasalarawan at ebolusyon ng Palisi sa Wika ng UP mula noong sinimulan ito hanggang sa kalagayan nito sa kasalukuyan.
Ang Palisi sa Wika ng UP ay isang multilinggwal na patakarang pangwika na nangingilala sa Filipino bilang wika ng pagtuturo, pananaliksik, at opisyal na komunikasyon. Naisulat ang palisi na ito sa bersyon ng Filipino, Tagalog, Sugbuanon, Ilocano, Hiligaynon, Waray, Bikol, Kapampangan, Tausug, Maguindanao, Maranaw, at Ingles. Inaasahan ang Unibersidad na manguna sa pagsuporta sa pagbuo ng nasyonal na wikang Filipino – ang wika ng ating sibilisasyon.
Aktibong nakikinig ang mga mag-aaral at tagapakinig sa diskusyon patungkol sa UP Palisi sa Wika
Ibinahagi rin ni Prop. Petras ang gampanin ng SWF kaugnay sa pagsulong ng wikang Filipino bilang wikang pambansa. Tungkulin ng SWF na panatilihin ang koordinasyon sa bawat opisina ng SWF, manguna sa pananaliksik, pagsasalin, at paglalathala; magtaguyod at magmintina ng mga aklatan alinsunod sa Palisi ng Wika; maglathala ng pahayagan at journal sa Filipino, at magsagawa ng seminar-workshop hinggil sa wikang Filipino.
Naimbitahan din bilang mga reaktor ng panayam ang ilan sa mga propesor sa UP Manila na nanggaling sa iba’t ibang larangan. Ibinahagi nila ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral at paggamit ng wikang Filipino sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang apat na panauhing reaktor ay sina Dr. Christian Wilson R. Turalde, isang neurologist at propesor sa UP Kolehiyo ng Medisina o College of Medicine (CM), Prop. Jerome A. Ong, tagapag-ugnay sa Opisina ukol sa Kasarian o Center for Gender and Women Studies (CGWS) at UP CAS, Dir. Michael Antonio F. Mendoza, Opisina ng Pagpapaunlad ng Yamang Tao o Human Resource Development Office (HRDO), at Dir. Iris Thielle Isip-Tan, Sentro ng Interaktibong Pagkatuto Manila o Interactive Learning Center (ILC) at propesor sa CM.
“Napakatayog ng tanaw ng Unibersidad sa kanyang Palisi sa Wika dahil ito ay bunga ng isang demokratiko at malawakang pakikilahok ng kaguruan at administrasyon ng UP para sa wikang Filipino at edukasyong maka-Filipino. Isang panawagan sa ating lahat ang patuloy na pagkilos para sa ating wikang pambansa tungo sa malayang usapan at pagdidiskurso para sa pagpapalaya ng akademya at paglilingkod sa sambayanan,” pagtatapos ni Prop. Petras. #