University of Philippines Manila

Magbibigay-Ngiti sa Makabagong Panahon: Araw ng Pagkilala ng mga bagong dentista ng Bayan

Texts by Ehcel S. Hurna

Photos by Erlyn May Pareja

Malugod na ipinagmamalaki ng Kolehiyo ng Dentistri ang 71 na mag-aaral na nagtapos sa kolehiyo ngayong taon.

Ipinagdiwang ng Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Dentistri (UPCD) ang araw ng pagkilala sa mga magsisipagtapos at mga natatanging mag-aaral ng Doktor at Masterado sa Odontolohiya na may temang, “Liwayway: Pagsalubong sa mga Ngiti ng Makabagong Panahon.”

Ilang taon na rin ang nagdaan magmula nang makapagtala ng malaking bilang ng mga nagmartsa sa Araw ng Pagkilala ang UPCD. Ngayong taon, tinatayang 71 na mga mag-aaral ang umakyat sa entablado upang tanggapin ang Sertipiko ng Pagkilala na bunga ng kanilang paghihirap sa ilang taong pag-aaral sa kolehiyo.

Bilang kaisa-isang Cum Laude at Batch Valedictorian, umikot ang mensahe ni Dr. Aaron E. Tuazon sa tatlong bahagi. Una ay ang pagkilala sa oras at pagtanggap na ang buhay ay hindi karera kaya’t may panahon na ang isang tao ay nahuhuli. Ikalawa naman ay ang paghugot ng lakas sa ating mga takot. At ang panghuli, ay ang importansya ng paghubog ng karakter ng bawat indibidwal.

Emosyonal na nagbigay ng mensahe si Dr. Aaron E. Tuazon habang binibigkas ang kanyang talumpati bilang kaisa-isang Cum Laude ng Kolehiyo ng Dentistri sa taong ito.

Pinasalamatan din ni Dr. Tuazon ang pagpili na manatili at lumaban ng kanyang kapwa nagsipagtapos sa kabila ng kaliwa’t kanang hamon ng buhay at ang tiwalang sa paglabas ng unibersidad ay tangan ng bawat isa ang lahat ng aral at kakayahan na natutunan sa pamantasan.

“To the graduates, thank you for fighting. Thank you for not giving up. Thank you for doing your part. However, our journey doesn’t end here because we still have our nation to serve. And I am confident that the values, as well as the skills instilled to us are more than sufficient to battle the war outside.”

Bukod sa mga guro, kawani, at mga magulang ng mga nagsipagtapos, dinaluhan din ni UP Manila Chancellor Michael L. Tee ang selebrasyon ng UPCD bilang Panauhing Pandangal. #