University of Philippines Manila

Puso Para Sa Serbisyo Publiko: UPCP Vows to Fulfill Universal Healthcare Services for Filipinos

Text by Angelou Mendoza

Photos by Erlyn Pareja

Pagtatalaga sa mga nagsipagtapos sa UP Manila Kolehiyo ng Parmasiya 2024 Araw ng Pagkilala bilang mga bagong miyembro ng UP Pharmacy Alumni Association.

Malugod na pinarangalan ng Kolehiyo ng Parmasya ang mga nagsipagtapos ngayong akademikong taon ng 2023-2024 sa isang Seremonya ng Pagkilala na ginanap noong Hulyo 22, 2024. Sa nasabing seremonya, na may temang “Pintig ng Parmasyutiko Pusong Handang Maglingkod”, ipinakilala ng Kolehiyo ang siyamnapu’t anim (96) na nagsipagtapos mula sa Batsilyer sa Agham ng mga Agham sa Parmasyutika at Batsilyer sa Agham ng Parmasya bitbit ang husay at dangal na kanilang nalinang sa Unibersidad.

“Handa na ba ang utak at puso mong maglingkod? Ano ang pinipintig ng inyong puso sa ngalan ng pagsisilbi sa bayan? Kaisa ang parmasyutiko sa tagapagtaguyod ng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat,” pahayag mula kay Dr. Francis R. Capule. 

Ang Pambungad na Pananalita ay pinangunahan ng dekano ng Kolehiyo Dr. Francis R. Capule, na kinilala ang pagsusumikap at dunong na taglay ng pangkat, maging ang kanilang katatagan na bumangon mula sa mga pagsubok na dulot ng pandemya sa mga nakaraang taon bukod pa ang mga usaping personal. Bilang karagdagan, nag-iwan ng munting paalala ang dekano para sa mga magsisipagtapos na minsan’g kaniyang pinayuhan sa kanilang pamamalagi sa Kolehiyo, “Malayo man ang inyong marating sa inyong karera ay huwag kalimutan ang Kolehiyo na nagsanay at humubog sa inyo bilang parmasyutiko. Kailangan ng Kolehiyo ang inyong suporta para sa ikakaunlad pa ng pagtuturo, pananaliksik, at pagsisilbi sa bayan.”

Sinundan ito ng pagbabahagi mula sa panauhing pandangal na si Bb. May Chelle Baay na dati ring naging mag-aaral sa Kolehiyo. Ang mga natutunan niya sa buhay hanggang sa kasalukuyan ay kanyang bitbit hanggang sa kanyang matagumapy na buhay propesyonal.

“I’ll let you in on some fundamental values that I continue to believe until today: (1) Grit. (2) Commit and don’t be afraid to fail. Trust the process. (3) Integrity. We always have to do what is right, even when it’s not easy. (4) And finally, have fun, then. Take care of your mental health. Know that adversity can always coexist with lessons and with celebration,” isinaad ni Bb. Baay.

Sa kanyang talumpati, hindi maitatanggi ang pagpapahalaga ng panauhin sa lagi at muling pagkatuto at paglimot sa mga maling nakasanayan. Karugtong nito ang laging pagpapatuloy at paggampan sa mga tungkulin, para sa sarili, sa pamilya, sa komunidad, at sa bansa.

“Dahil tayo’y mga UP graduate, siguro ang hamon sa atin ay pusong handang mamuno. Kailangan nating pamunuan ang pag-imbento ng bagong gamot, ang pananaliksik sa mga pamamaraan kung papaano nating lalong maipapaabot ang tamang dosage, ang tamang uri ng gamot sa ating mga kababayan,” mula sa talumpati ni UP Manila Tsanselor Michael L. Tee. 

Ipinabatid ni Tsanselor Tee ang kahalagahan na madala ang mga gamot sa mga kababayan na higit na nangangailangan ng tulong medika mula sa malalayong bayan, kalakip nito ay ang pagpapahalaga rin sa pera ng taumbayan na gamit sa pagbili ng mga gamot. Kanya ring binigyang-diin ang pagiging instrumento ng mga bagong lingkod pangkalusugan sa pag-implementa ng universal healthcare. 

Bilang pagrerepresinta sa lupon ng mga mag-aaral na magtatapos ngayong akademikong taon sa Kolehiyo ng Parmasiya, si Bb. Judith L. Abunales ay nagbahagi ng karanasan ng kanilang pangkat sa unibersidad na siyang humubog sa kanila sa loob ng ilang taon. Kanya ring malugod na pinasalamatan ang mga Pilipino dahil bahagi ng kanilang buwis ang nagbigay oportunidad upang makatanggap ng de-kalidad na edukasyon, kapalit nito ay ang taos-pusong pagbabalik serbisyo sa bayan.

“At sa pagtatapos ng araw na ito ay hindi lamang sana husay at dangal ang ating maipakita, kundi serbisyo rin, serbisyo na sa bawat kapsula, tableta, at gamot na ating ihahanda, naroon ang malasakit at pagmamahal sa kapwa,” mga salita mula kay Bb. Abunales.#