Photo by Joseph A. Bautista
Text by Angelou C. Mendoza

The pioneer graduates of Diploma in Midwifery of the UP Manila School of Health Sciences Tarlac campus take their oaths during their 1st Recognition Ceremony.
“Sa gitna ng mga hamon sa loob ng mga nakalipas na taon, nagpunyagi ang Provincial Government of Tarlac at UP Manila upang magsanay ng mga lingkod pangkalusugan para sa mga pamayanan.”

Ani ni Dr. Catherine Swin-Santos, ang bagong upong Direktor ng Paaralan ng mga Agham-Pangkalusugan Tarlac Campus, Unibersidad ng Pilipinas Maynila (UPM), bilang panimula sa selebrasyon ng kauna-unahang Araw ng Pagkilala na ginanap noong Hulyo 17, 2024, na may temang, “Alab: Ang Pagkilala ng mga Lingkod-Pangkalusugang may Pusong Alay sa Bayan.” Sa naturang palatuntunan, pitumpong (70) mga nagsipagtapos ang ginawaran ng Diploma in Midwifery.
Ang mensahe ng Direktor ng SHS Tarlac ay sinusugan ng panauhing pandangal na si Dr. Joy Fiar-od-Dicdican, DOH Municipal Health Officer at Besao, Mt. Province, nang kanyang hikayatin ang mga nagsipagtapos na magsilbing kinatawan ng pagbabago at magbalik-serbisyo sa pinakamalalayo at mahirap na komunidad sa bansa upang masigurado ang pagkamit ng karapatang pangkalusugan.
“After taking my oath as a physician, there were offers for specialty trainings and employment in private and government hospitals. But always ringing in my mind are the words of the mayor who endorsed me to UPSHS: “When you graduate, don’t forget to come back home as our people need your service. Being a community health worker may not be as glamorous as other jobs, but it is in the community that you come face-to-face with the realities of the people. It is the satisfaction from successful health stories of people,” pagbabahagi ni Dr. Fiar-od-Dicdican.

Sinundan ito ng isa pang talumpati mula sa kagalang-galang na Gobernador ng Probinsya ng Tarlac, Honorable Susan A. Yap, kanyang ipinahayag ang mga nakuhang magandang komento mula sa mga komunidad na pinagsilbihan ng mga mag-aaral ng SHS Tarlac.
“Marami akong natanggap na papuri at positibong komento mula sa ating mga RHUs at healthcare centers na maayos ang serbisyo at may taglay na karunungan at kagandahang asal ang ating mga mag-aaral mula sa UPM SHS. Lubos ang aking kasiyahan sa mga papuring ito sapagkat sa simpleng pakikisalamuha ninyo ay dala-dala ninyo ang lahat ng inyong mga napag-aralan,” ani ni Hon. Yap.
Karagdagan pa rito, kinilala ng gobernadora ang kontirbusyon ng SHS Tarlac sa pagtuturo at pagsasanay ng mga tagapagtaguyod ng pangkalahatang kalusugan. Buong kumpiyansang ipinagkakatiwala ni Hon. Yap sa mga nagtapos ang pagsasabuhay ng serbisyo, kahusayan, at malasakit sa kanilang napiling larangan.

“Dahil sa pitumpong graduates ngayon, nakapagdagdag tayo ng kahit paano para sa health equity at ako’y naniniwala na kayo’y mananatili sa komunidad, dahil sa pag-aaral na ginawa tungkol sa mga graduates ng School of Health Sciences, mahigit nobenta’y singko porsyento ang nananatili sa komunidad,” pagbabahagi ni UP Manila Tsanselor Michael L. Tee.
Sa mensahe ng Tsanselor, binigyang-diin ni UP Manila Chancellor Michael L. Tee ang gampanin ng UP Manila sa paghubog ng mga nagtapos na tutugon sa kakulangan ng human resources for health na makakatulong upang maging mas abot-kamay ang Universal Healthcare (UHC) sa bansa. Upang higit pang ipaliwanag ang UHC, binanggit ng Chancellor ang isang pag-aaral nina Sacks et al., na inilathala sa Bulletin of World Health Organization, “Universal Healthcare depends on a strong, primary healthcare system. To be successful, primary healthcare must be expanded at community and household levels as much as the world’s population still lacks access to health facilities for basic sciences.”
Pinaigting rin UP Manila Tsanselor ang kahalagahan ng pantay na pagtamo ng pangkalahatang pangkalusugan at ang pagdagdag ng de-kalidad na manggagawang pangkalusugan na manatili sa komunidad at gagamitin ang moral compass na kanilang natutunan sa kanilang pamamalagi sa institusyon.
Bilang parte ng pagtatapos ng palatuntunin, si Gabriela Ysabel S. Marcoleta, ginawaran ng Outstanding Student Leader at ng Founders of the Student Institutions, ang nagbigay ng mensahe bilang kinatawan ng mga magsisipagtapos sa akademikong taon 2023-2024, “Ngayong araw, hindi lamang tayo nagtapos mula sa unibersidad; tayo rin ay patungo sa pagiging ganap na lingkod ng ating bayan, mga tagapagtaguyod ng kalusugan at kapakanan ng ating pamayanan, at mga ilaw ng pag-asa para sa ating mga kababayan habang patuloy nating nilalakbay ang pagiging tunay na makabayang lingkod masa.”
Kinilala rin ni Marcoleta ang kanilang tungkulin bilang bagong tagapagtaguyod ng kalusugan sa bansa at ang tungkuling kaakibat ng kanilang pagtatapos at diploma mula sa Unibersidad.
Pagkilala sa kauna-unahan at natatanging nagsipagtapos ng SHS Tarlac
“Ever since po kasi na pumasok kami dito sa SHS. Ang pinaka-una po lagi nilang ginagawa interview po and io-orient po kami na wala kaming grades, na possible walang latin honors once graduated. Wala po sa isip ko na mayroon po pala kaming awards na matatanggap,” pagbabahagi ni Elainne M. Pascual, isa sa mga nagsipagtapos na ginawaran ng Best in Community Practicum Award ng SHS Tarlac.
Hindi inaasahan ng limang nagsipagtapos ang parangal na kanilang tinaggap sa kauna-unahang Araw ng Pagkilala ng UP Manila School of Health Sciences (SHS) Tarlac o Paaralan ng mga Agham-Pangkalusugan Tarlac. Ang mga parangal na ito ay ibinigay sa mga nagsipagtapos na nagpakita ng husay sa pamumuno, talino, at dedikasyon sa pagseserbisyo sa komunidad. Kabilang sa mga pinarangalan ay sina: Gabriela Ysabel S. Marcoleta (Outstanding Student Leader), Danah Cecilia Valdoz (Outstanding Campus Journalist), Justin B. Agliam (Outstanding Student Suffrage Champion), Elainne M. Pascual (Best in Community Practicum Award), at Cherry Mae T. Diaz (Best in Clinical Practicum Award).
Sa isang panayam kasama ang limang tumanggap ng parangal, kanilang ibinahagi ang kanya-kanyang karanasan sa pagkamit nito habang nasa institusyon. Si Justin B. Agliam, ginawaran “Outstanding Student Suffrage Champion”, ay nagbahagi ng kanyang mga aktibidad na nakatulong sa pag-unlad ng lupon ng mga mag-aaral bilang kinatawan nito.
“Yung pagre-represent ko po sa University Electoral Board (UEB). Ako po yung 1st UEB Vice Chairperson. Bago po yun, pinursue ko po na magkaroon ng representasyon yung mga SHS campuses sa loob po ng Electoral Board, university wide, sa UP Manila,” pagbabahagi ni Agliam.
Kasunod pa rito ang pahayag ni Elainne M. Pascual (Best in Community Practicum Award), na nagbahagi ng kanyang karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga sangay ng gobyerno sa komunidad na nakatulong sa pag-unlad ng kanya kaalaman at pagharap sa propesyonal na gawain.
“Nung pumasok po ako sa SHS natutunan po namin makipag-usap sa mga LGUs, sa Provincial Government, sa mga mayors. Sa lahat po ng antas mula sa BHWs, sa mga tanod natin, hanggang sa provincial governor. Yun po yung pinaka-memorable and pinaka-fruitful experience na natutunan ko dito, na kahit estudyante ka kaya mong makipag-usap sa kanila, kaya mong makipag-negotiate sa kanila para mayroon po kayong magawa para sa community tsaka para sa campus,” ayon kay Pascual.
Ibinahagi naman ng Outstanding Campus Journalist na si Danah Cecilia Valdoz ang kanyang karanasan sa pagtaguyod ng publikasyon upang maipaalam at maiparating sa mga mag-aaral ang mga napapanahong usapin. Karagdagan pa rito, si Valdoz ang nagpasimula ng MedKritiko na publikasyon ngayon sa SHS Tarlac.

Sa pagbabahagi naman ni Gabriela Ysabel S. Marcoleta, ang ginawaran ng Outstanding Student Leader, kanyang ipinahayag ang naging gampanin nya bilang point person ng kaguruan at mga tagapangasiwa mula sa provincial government. Siya ang nanguna sa pagrepresinta at naging boses sa lupon ng mga mag-aaral sa institusyon. Si Marcoleta ang nagpasimula ng student union ng publikasyon at electoral board ng SHS Tarlac campus na sabay na gumagalaw sa bawat kaganapan sa paaralan.
Kinuwento naman ni Cherry Mae T. Diaz, ginawaran ng Best in Clinical Practicum Award, ang hirap na kanyang dinanas sa pag-aaral sa kolehiyo dahil sa kanyang personal na mga gampanin sa pamilya. Ito ay naging parte ng kanyang pagkatuto, sa personal at maging sa pang-akademikong aspeto, habang nagsisilbi sa komunidad.
“Ito pong campus namin kakaiba, hindi ka lang talaga estudyante, kailangan maging parte ka rin ng community. Yon po yung pinakamagandang experience na pwede ninyong makuha rito kasi mabi-build po yung character ninyo,” pagbabahagi ni Diaz. #