Baguio: Ang tunay na mukha ng industriyang turismo

John Wilfred Sasuya

Ang Lungsod ng Baguio ay kilala bilang "Summer Capital" ng Pilipinas. Taon- taon, daan libong turista ang pumupunta rito upang makalayo sa init at polusyon ng mga lugar tulad ng Kalakhang Maynila. Inaakala at siyang pinaniniwalaan ng nakararami na ito ay isang paraiso dahil sa kanyang malamig na klima, mga produktong tulad ng strawberries at gulay at sa mga tanawing hindi matatawaran. Dahil dito, ang Lungsod ng Baguio ay itinuturing na tourist spot sa Pilipinas. Subalit ano nga ba ang tunay na mukha ng lumalagong industriya ng turismo sa lugar?

Ayon kay Arthur Alkad-iw ng Cordillera Indigenous People Law Center, habang ipinangangalandakan ng pamahalaan ang turismo, hindi naman nito nasasagot ang mga suliraning panlipunan ng lungsod. "Maraming suliraning kaakibat ang lumalagong industriya ng turismo. Ang kahirapan sa kalunsuran ay patuloy na lumalaganap. Samantalang yumayabong ang realty development sa Baguio, karamihan pa rin sa maralita ang walang tirahan. Laganap ang kawalan ng trabaho at patuloy ang pagbalewala sa mga karapatan ng katutubo partikular na sa mga Ibaloi na kung tutuusin ay siyang tunay na naninirahan dito," sabi ni Alkad-iw.

Simula pa sa kolonyalismo ng Ameriakno sa Pilipinas, ang lugar na ito ang ginawang pahingahan ng mga kolonyalista. Ayon kay Geraldine Cacho ng ORNUS, ang Lungsod ng Baguio ang ginagawang takbuhan ng mga Amerikano at ng kanilang mga kaalyadong Pilipino kung panahon ng tag-init sa Pilipinas. Aniya, "Kaya nga naitayo ang Mansion House dito ay upang siyang maging kanilang pansamantalang tirahan."

Sa kasalukuyan, ang Lungsod ng Baguio ay nanatili pa ring lugar pang-turismo. Kaya nga’t ang mga kasalukuyang proyekto ng pamahalaang pang-lungsod ay nakasentro sa industriyang ito. Ito ay kinabibilangan ng pagpapatayo ng 300-milyong pisong circumferential road at ang napipintong segregation plan sa mga lugar sa paligid ng Camp John Hay.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Baguio, ang mga proyektong ito ay makatutulong sa mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan. Ayon kay Bernardo Vergara, Punong Lungsod ng Baguio, ang circumferential road ay makatutulong upang mabawasan ang lumalalang trapiko partikular sa Central Business District (CBD). "As vehicular traffic is drawn outside the city’s business areas and towards the areas where the new highways shall emerge, mobility shall be dispersed, opening up more opportunities for growth in the city’s periphery," ani Vergara.

Idinagdag pa niyang pangunahing layunin din ng nasabing proyekto ang pagpapaunlad ng ekonomiya lalo’t higit sa mga barangay na madadaanan ng circumferential road. Aniya, madadagdagan ang trabahong maibibigay sa mga mamamayan ng Lungsod ng Baguio lalo na sa industriya ng turismo, kalakal, komersyo at agri-industry. Ito ay nakasentro sa ekonomiyang programa sa BLIST area na kinabibilangan ng Lungsod ng Baguio at mga bayan ng La Trinidad, Itogon, Sablang at Tuba. Ang circumferential road ang magdudugtong sa mga daan patungo at palabas ng lungsod.

Samantala, ito ay pinabulaanan ni Cacho. Sinabi niyang ang circumferential road ay magsisilbi lamang sa pangangailangan ng mga dayuhan lalo na ang mga turista at mamumuhunan sa industrial zone ng Baguio. Idinagdag pa niyang hindi ito magdudulot ng food self-sufficiency lalo pa’t ang isa sa mga proyekto ng lungsod ay ang pagpapalago ng agri-industry. "Nais gawin ni Vergara na maging City of Flowers ang Baguio. Kung mangyayari ito, tanging cut flowers at roses lang ang karamihang maitatanim dahil nga sa plano ng gobyerno na kaakibat ng pagpapatayo ng circumferential road dahil sa paligid nito isasagawa ang proyekto," sabi ni Cacho.

Idinagdag naman ni Braulio Yaranon, kagawad ng Lungsod ng Baguio, na ang circumferential road ay magdudulot lamang ng iba pang suliranin sa mga lugar na daraanan ng nasabing proyekto. "The circumferential road project will destroy the ancestral land. It will also promote erosion particularly on the hillsides since the terrain is very steep. It will also destroy the watershed area since outstanding pine trees and other trees on the area will be sacrificed because of the project," paliwanag ni Yaranon.

Ayon naman kay Gerry Diano, isang katutubong Ibaloi ng Barangay Happy Hallow, direktang maapektuhan ng nasabing programa ang kanilang ikinabubuhay. Ito ay bukod pa sa napipintong pagputol sa may 2,000 pine trees na maaraanan ng kalsada. Kung magkagayon aniya, mawawala ang pinagkukunan nila ng tubig dahil matutuyo ang water reservoir.

Samantala, hindi pa nabibigyan ng Environment Compliance Certificate (ECC) ang nabanggit na proyekto. Inamin naman ito ng pamahalaang panglunsod. Ayon kay Lorelie Mendoza, Director ng Cordillera Studies Center ng University of the Philippines College Baguio (CSC-UPCB) "since the project has not been issued an ECC, this must be complied first. Second, the social acceptability of the project must also be sought such as the agreement of the affected settlers." Ito rin ang naging pananaw ni Yaranon. Ayon sa kanya dapat pumayag ang lahat ng taong apektado ng proyekto sa pamamagitan ng isang konsultasyon.

Labintatlong mga barangay ang umaangal sa nabanggit na mga proyekto. Sila ang direktang matatamaan ng pagpapagawa ng circumferential road. Ito ay ang Happy Hallow, Country Club, Green Water, Scout Drive, Hillside, St. Scholastica, Lower Dagsian, Upper Dagsian, Loakan Liwanag, Loakan Proper, Loakan Apugan, Camp 7 at Springhills.

Ayon kay Nestor Nicolas, Assistant District Engineer ng Lungsod ng Baguio, hindi na maaring mailipat ang nasabing proyekto sa ibang lugar upang maiwasan ang kasalukuyan nitong daraanan. Ito ay dahil ang pondong nakalaan dito ay ‘di na maari pang ibaling sa iba. Kung kaya nga’t nagmamadali ang District Engineering Office na maisakatuparan ang proyekto bago ang Disyembre upang maiwasan ang pagkabalewala ng pondong nakalaan dito.

Sa isang banda, ang napipintong segregation plan sa mga lugar sa paligid ng Camp John Hay ay tahasan ding tinututulan ng mga apektadong residente lalo na ang mga katutubong Ibaloi. Ayon sa kanila hindi nito kinikilala ang kanilang katutubong karapatan sa lupang pamana pa ng kanilang ninuno.

Ang segregation plan ng pamahalaan ay nakabase sa pagpawalawak sa lupang sakop ng Camp John Hay. Ang mga lupaing ito ay ang lugar kung saan karamihan sa mga Ibaloi ay naninirahan. Nais ipagbili ng pamahalaan ang mga lupaing ito sa mga residente. Subalit ayon kay Diano, "Sino ba ang makakabili ng mga lupaing ito kung ‘di sila ring mayayaman. Karamihan ng mga tao dito ay walang kakayahang bilhin ang alok ng gobyerno." Kinondena rin ni Diano ang kasalukuyang punongbayan na si Vergara na noong naninilbihan pa bilang Kinatawan ng Lungsod ng Baguio ay siyang nagpanukala sa Kongreso na magkaroon ng segregation plan sa lugar.

Samantala, kinatigan naman ni Yaranon ang nasabing programa kung saan ang kanyang asawang si Lilia na dati ding miyembre ng konseho ang nagpanukala nito. Sinabi naman ni Mendoza na kinakailangan ang matamang pagsusuri ng nasabing plano upang mabigyang halaga ang tunay na nagmamay-ari ng mga lupain.

Sa kasalukuyan, mahigpit ang pagtutol ng mga residente sa mga nabanggit na mga proyekto. Ang mga residente ng lugar ay nakahandaang gawin ang lahat ng legal na paraan upang mahadlangan ang mga proyektong ito na ayon sa kanila ay makakasira ng kanilang kinabukasan. Ayon pa kay Diano "Lupa ito ng aming ninuno at handa naming ipaglaban ito hanggang sa huli."

Back to top